|

Sa Isang madilim na sulok aking tinatanaw
Ang tahimik at dahan-dahang paglubog ng araw
Na sa aking unti-unting nanlalabong paningin
Isang mapanglaw at nakalulungkot na tanawin.
At sa unti-unting pagpula ng kalangitan
Sa aking isip hatid ay maraming katanungan
Mga katanungan na naghahanap ng kasagutan
Maiiwan na lang ba na isang palaisipan?
At kasabay nga nito ay aking binabalikan
Ang mga nakalipas at ang mga araw na nagdaan
Mga araw na minsan ay nagdala ng kasiyahan
Ngunit sa kadalasan ang dulot ay kalungkutan.
At ang kalangitan nga ay tuluyan ng nagdilim
Ang aking mga pangamba'y 'di mapigilang lumalim
Sana ay dinggin aking taimtim na panalangin
Muling pagsikat ng araw akin sanang abutin.
===J.M.S.=== |